|
ang pangalan nya ay egay at sa murang edad na walong taon ay alam kong minahal ko sya. nakita ko na ang kinabukasang kong kasama sya. kung ilan ang anak namin. kung anong hitsura ng bahay namin. meron kaming isang sasakyan at naka-uniporme sya tuwing papasok sa trabaho. nakakatuwang bata si egay. yung egay na nakilala ko noon. malimit kaming maglaro sa labas ng bahay namin. tatakas sya sa bahay nila para lamang makipaglaro ng taguan o takbuhan. depende sa kung ano ang mapagkasunduan. kahit siguradong lalatiguhin na naman sya ng tatay, sige pa din sya. hindi na nadala. minsan nag-alala ako ng magkapasa sya sa likod sa lakas ng hataw ng tatay nya pero ngumiti lang sya at sinabing hindi naman masakit. ang bata nga naman. naaalala ko nung minsang umuulan at nasa bahay namin sya. ang saya-saya namin. nanood kami ng tv maghapon at doon pa sya kumain sa bahay ko. natulog pa nga kami ng magkatabi kasi nagagalit ang nanay ko pag hindi natutulog ng hapon. hindi daw kami tatangkad. nagbubulungan lang naman kami habang magkatabi. ang dami-dami nyang kwento. tawa kami ng tawa pero pinipigil namin dahil mapapagalitan na naman kami. naaalala ko kung pano sya tumawa. kitang-kita ang gilagid nya dahil bungi-bungi sya at naniningkit ang malaki nyang mata sa saya. sana hindi na natapos ang araw na yon. sana hindi na tumigil ang ulan. sana hindi na kami tumanda. sana hindi na umandar ang lahat ng relo. hindi ko nakita si egay kinabukasan. naghintay ako ng naghintay na kumatok sya sa gate namin pero walang egay na dumating hanggang sa dumilim na. wala pa ding egay nung sumunod na araw. sinisilip ko ang bahay nya tuwing dadaan ang school bus ko pero parang walang tao sa kanila. natakot akong baka lumipat sila na hindi ko alam kaya tinanong ko ang nanay ko kung alam nya kung nasan si egay. sabi nya, napagalitan noong maghapon syang nangapit-bahay at malamang ayaw na palabasin ng tatay nya. napakasalbahe talaga ng tatay ni egay. galit sya sa mga bata. maingay daw kami. lagi nyang pinapalo at binubugbog si egay sa kahit napaka-simpleng bagay. ilang araw na hindi lumabas ng bahay si egay. nung makita ko sya ay hindi naman sya lumapit sa akin. pagkakita nya, tumakbo agad sya pabalik sa kanila. bakit naman sya magagalit sa akin? wala naman akong ginagawa sa kanya. nakakaasar talaga si egay. hindi ko napansing lumilipas na pala ang panahon. sumapit ang kaarawan ko. wala si egay. natapos ang taon. wala pa din si egay. parang isa na lang syang ala-ala. naging abala na ako sa aking pag-aaral at hindi na din ako masyadong naglalaro sa labas dahil wala naman ang aking kalaro. isang araw, noong ako ay malapit ng magtapos ng high school, may nakita akong sulat sa gate namin na may pangalan ko. galing kay egay! "faye, naaalala mo pa ba yung pinag-usapan natin dati? wala na akong ibang mamahalin pa kundi ikaw. kahit anong mangyari, tandaan mo yan. salamat sa lahat kaibigan ko. hindi ko na kaya si papa... aalis na ako. sana magkita tayo ulit pag matanda na tayo. magpapakasal pa din tayo gaya ng pangako natin ha? wag mo kalimutan! ikaw ang kaibigan ko. ikaw ang mahal ko. salamat. egay" hindi ko maintindihan ang naramdaman ko nang makita ko ang liham na yon. kakaiba ang bumalot sa puso ko. kinabahan ako. hindi pa kaya ni egay na mabuhay mag-isa. bata pa lang kami. buong gabi akong balisa. hindi ako makatulog. nag-aalala ako kung nasaan na ang kaibigan ko at kung ano ang ginagawa nya. baka magaya sya sa mga batang kalye na kung anu-anong bisyo ang natututuhan. hindi ganun ang pangarap ko para sa kanya. ang tagal naman ng umaga. kinabukasan naramdaman ko agad na may nangyari pag-gising ko pa lamang. namumugto ang mga mata ng nanay ko. niyakap nya ako ng mahigpit at sinabihang tibayan ko ang loob ko. nakadinig ako ng ambulansya sa labas lang ng bahay namin kaya nagtatakang lumabas ako ng bahay. nasa labas ang halos lahat ng kapit-bahay ko. nakapaikot sa may gate ng bahay nila egay. hindi ko napansin pero dinadala na ako ng paa ko sa tapat ng bahay nila. lahat ng madaanan koy napapa-iling at hinahagod ang aking likod. may luha at awa ang mga mata. kinabahan na ako. papalabas ang mga lalakeng nakaputi ng umabot ako sa harapan ng gate nila egay. nakaupo ang tatay ni egay sa may garahe. nakayuko. mukhang umiiyak. ang nanay naman nyay nakatunganga sa isang sulok habang dahan-dahang inuugoy ang kanyang katawan. may lamang tao ang hawak nilang stretcher. nakita kong may bahid ng dugo ang ibang parte nito. napakadaming bagay ang tumatakbo sa isip ko. nanlalamig ang pakiramdam ko. umiikot ang paligid ko. alam ko... alam ko... walong taon kami non. nasa taas ng puno ng mangga dahil nakawala na naman ang aso nila aling mina na nangangain ng bata. tinanong ako ni egay kung papayag ako na sya ang maging asawa ko. sabi ko oo. ngumiti sya. kita ang gilagid. sabi nya pag nagka-anak kami, hindi nya sasaktan kahit gano kakulit dahil ganun talaga ang mga bata. hindi daw nya gagayahin ang tatay nya. sandali syang natahimik pagkatapos nakipag-unahan na syang bumaba ng puno. madugas talaga si egay. madugas pa din sya hanggang ngayon. iniwan nya ako. hindi nya tinupad ang pangako nya. sumuko sya. nagpatalo sya. hindi sya lumaban. wala na ang pangarap naming bahay. wala na si egay. iniwan na ako ng pinakauna kong minahal. |
| Leave a Comment: |